This is the first chapter of Jehovah Himself Has Become King translated into Tagalog, the main language spoken on the Philippines. More chapters will be published as they become available. Many thanks to the generosity and diligence of the translators.

Ito ang unang kabanata ng Si Jehova Mismo Ay Naging Hari sa saling Tagalog, ang pangunahing wikang ginagamit sa Pilipinas. Ang mga sumusunod pang mga kabanata ay ilalathala dito kapag handa na ang mga ito. Maraming pasasalamat sa pagkabukas-palad at kasipagan ng mga tagapagsalin.
_______________________________
.

Ang Katotohanan

“At malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”

-Kristo Jesus

.

Isip-isipin ang pananabik na idinulot nang si Jesus ay nagpahayag ng isang kagulat-gulat na anunsiyo upang ibalita sa buong lupa: “Ang kaharian ng langit ay malapit na!”

Halos 2000 taon na ang lumipas mula nang si Jehova ay orihinal na nakipagtipan kay Abraham para sa layunin ng pagluluwal ng mesyanikong binhi para sa pagpapala ng lahat ng mga bansa. Sa kabila ng maraming walang basehang paniniwala ng mga apostol tungkol sa kaharian, sa okasyon ng bautismo at pagiging pinahiran ni Jesus, ang kaharian ng Diyos ay talagang lumapit na.

Dahil wala pang hari mula sa linya ni David ang umupo sa trono ni Jehova sa Jerusalem pamula ng pananakop ng Babilonya limang siglo na ang nakakalipas, tunay ngang makabagbag damdamin ng si Jesus ay pumasok sa Jerusalem habang nakaupo sa asno bisiro at tinanghal na hari ng Israel. Ito nga ang katuparan ng Zacarias 9:9 na humuhula: “Magalak kang lubos, O anak na babae ng Sion.  Sumigaw ka nang may pagbubunyi, O anak na babae ng Jerusalem. Narito! Ang iyong hari ay dumarating sa iyo. Siya ay matuwid, oo, ligtas; mapagpakumbaba, at nakasakay sa asno, isa ngang hustong-gulang na hayop na anak ng asnong babae.”

Kahit na ang makalupang Jerusalem ay hindi na trono ng kaharian ng Israel at ng Juda nang panahong iyon, iyon pa rin ang ekslusibong sentro ng relihiyosong pagsamba para sa Diyos na Jehova noong panahong nandito si Jesus sa lupa. Ngunit maging ang mga bagay na iyon ay magbabago na rin sa kalaunan.

Si Jesus mismo ay nagsabi sa isang Samaritanang babae ng magaganap na pagbabago. Sinabi nga niya sa kaniya: “ Ang oras ay dumarating na kahit sa bundok na ito ni sa Jerusalem man ay hindi ninyo sasambahin ang Ama.” Ang kaharian ng Diyos na unang nagpakilala sa pamamagitan ng apostolikong kongregasyon ni Jesus ay naghuhudyat ng pasimula ng kaatapusan para sa naka sentro sa templong Judiong uri ng pagsamba.

Ang mga sulat ng apostol na si Pablo, partikular na ang kanyang liham para sa mga Hebreo ay nagpapaliwanag kung paanong ang tradisyunal na uri ng relihiyon ay naglalarawan lamang sa higit pang espirituwal na mga realidad. Ang tunay na katotohanan ay matatagpuan hindi lamang sa loob ng santuaryo kundi maging sa labas nito, ibinunyag ng kinasihang apostol. Si Pablo ay higit pang nagpatotoo sa kaniyang sulat sa mga taga Galacia na ang Batas ng tipan ay nakapagsagawa na ng layunin nito sa pamamagitan ng pagsisilbing tagapagturo na umaakay patungo kay Kristo. Kasabay ng pagdating ni Kristo, ang kurso ng pagtuturo ay sumapit na sa natural na konklusyon at kasama nito ang buong sistemang Judio ay lumipas na at nabura mula sa pag-iral. Kulang-kulang isang dekada pagkatapos na si Pablo ay lumiham sa mga Hebreo, ang lungsod ng Jerusalem at ang dakong banal ng pagsamba ni Jehova ay lubusang dinurog ng mga hukbong Romano.

Taliwas sa maaring inaasahan ng isa, ang mismong sistema na orihinal na inilaan ng Diyos bilang nagliligtas buhay na tagapagturo hanggang sa dumating si Kristo, ay isa ring potensyal na silo para sa mga Judio na walang sapat na pananampalataya upang magawa nang husto ang kinakailangang pagbabago mula sa Judaismo patungo sa Kristiyanismo.

Ilang siglo na ang nakalipas pamula nang inanunsyong ang kaharian ng Diyos ay malapit na. Malamang na hindi nagkataon lamang sapagkat halos 2000 taon na- halos kasintagal din ng pagitan pamula ng makipagtipan ang Diyos kay Abraham at nang mabautismuhan si Jesus. Samantala, pamula nang apostolikong kapanahunan, ang Kristiyanismo ay nalugmok at nabaon sa parehong landas ng katiwalian, idolatriya at apostasiya, katulad rin ng Israel, kung kayat ang purong mga turo ni Jesus ay matagal nang nababad sa babilonikong mistisismo, nasyonalismo, at iba pang makakasanlibutang kaugalian.

Ngunit noong papalapit na ang ika-19 na siglo, isang higit na kinakailangang pagbabago ang nagsimulang maganap sa pagitan ng isang maliit na grupo ng mga estudyante sa Bibliya sa pakikipagtulungan ng isang masigasig na kabataang lalaki na nagngangalang Charles Taze Russell. Ang epekto ay hindi naiiba sa naganap nang maghari ang bata at masigasig na haring si Josias (659-629 BCE) na mula sa Juda. Isaalang-alang ang ilang pagkakatulad: Bago maghari si Josias, ang kaharian ay nalugmok sa napakalalim na lusak ng kamangmangan at idolatriya na maging ang aklat ng Kautusan ni Moises ay naiwala! Ngunit sa ulat ng 2 Cronica 34:14 ipinababatid sa atin na habang nagaganap ang muling pagsasauli ng nalansag na templo na pinangunahan ni Josias, “nasumpungan ni Hilkias na saserdote ang aklat ng Kautusan ni Jehova sa pamamagitan ng kamay ni Moises”.

Bilang resulta ng pagbasa sa kanya ng Kautusan ni Moises, hinapak ni haring Josias ang kanyang panlabas na kasuotan bilang pagpapakita ng kaniyang pagkatanto na ang bayan ay lumabag sa kanilang tipan sa Diyos at na walang dudang hinamak nila si Jehova sa pamamagitan ng pagsasagawa ng ibat-ibang uri ng paganong pagsamba. Tiyak na napagtanto ni Josias na ang aklat ng Kautusan ni Moises ay magpapangyaring mawasak ang bayan kung sila ay lalabag sa kanilang sagradong tipan sa Diyos. Ang may maka-Diyos na takot na si Josias ay nagpadala ng delegasyon upang magtanong sa propetisang nagngangalang Hulda upang alamin kung ang nakatakdang kaparusahan ay maaring maiwasan sa pamamagitan ng kanilang pagsisisi.

Ang propetisa ay nagsabi sa hari na si Jehova ay determinado pa ring magdulot ng kalamidad laban sa suwail na bayan. Ngunit, bilang konsiderasyon sa mga repormang isinagawa niya, hindi wawasakin ni Jehova ang Juda sa panahon ni Josias. Pagkatapos nito, tinipon ni Josias ang lahat ng mga tao at pinabasa ang aklat ng Kautusan sa kanila.

Sa isang katulad na paraan, waring ang Bibliya ay nawala sa mundo pamula ng panahon ng kadiliman patuloy. Ngunit kahit na ang Bibliya ay hindi literal na nawala, ang katotohanan naman ay nawala. At kahit na maraming indibidual bago pa si Charles Russell ang sumubok ring tuklasin at ilantad ang matagal nang naiwalang katotohanan mula sa Bibliya, walang sinuman sa kanila ang naging matagumpay na tulad ng Samahan ng Watchtower sa pagpapakilala sa mga katotohanang ito. Nagkomento hinggil sa kahalagahan ng ginawa ni Charles Russell ang librong Kingdom Proclaimers at nagsabi:

“Kung gayon paano nalaman ni Russell ang atas na kanilang ginampanan sa paglalantad ng mga katotohanan sa Bibliya? Ipinaliwanag niya: ‘Ang aming atas … ay ang tipunin ang matagal nang nangalat na mga piraso ng katotohanan at ipresenta ito sa mga lingkod ng Diyos hindi bilang isang bagong bagay, hindi bilang sa amin, kung hindi sa Diyos.’ ”

Sa pamamagitan ng masusing pag-aaral niya ng kasulatan, napagtanto ni Russell na ang Sangkakristiyanuhan ay nakatakdang madurog dahil sa sa kaniyang idolatriya at katiwalian. Kaya naman dahil dito ay may pagka-apurahang binuo ang Samahan ng Watchtower at ang Internasyonal na mga Estudyante ng Bibliya ay nagsagawa ng malawakang pangglobong kampanya ng pangangaral upang itawag pansin ang babala may kinalaman sa nakaambang kahatulan ng Diyos.

Bilang resulta ng kitang-kitang pagpapala ng Diyos sa gawaing pagsasauli, ang mga pangunahing katotohanan sa Bibliya ay nagsimulang sumikat muli. Ang mga paganong turo gaya ng Trinidad, imortalidad ng kaluluwa at ang malupit na doktrina ng habangbuhay na pagpaparusa sa impiyerno ay tahasang nabaliktad. Ang Katolikong kaugalian ng pag-uukol ng pagsamba sa mga santo at kay Maria na itinuturing na “Ina ng Diyos” sa katulad na paraan ay nalantad rin sa madla bilang mga kaugaliang nag-uugat sa paganong idolatriya. Tulad ng pagdurog at paglapastangang ginawa ni Josias sa ilang mga idolo at paganong altar na itinayo sa templo ni Jehova sa buong lupa, sa katulad na espiritu, ang idolatriya ng Sangkakristiyanuhan at ang mga huwad na turo nito ay dinurog at pinulbos ng masigasig at bihasang paggamit ng Bibliya.

Si Charles Russell rin ang bumuhay sa muling paggamit ng personal na pangalan ng Diyos- Jehovah sa Ingles. Ang ilang mahahalagang katotohanan tulad ng salig-Bibliyang pag-asa ng pagtawid ng buhay sa Armageddon at mabuhay ng walang hanggan sa lupa ay nagsimula ring maipakilala bilang tunay na mga turo ng Bibliya. Ang isyu ng pang-buong unibersong soberanya ni Jehova ay naunawaaan rin sa unang pagkakataon at nagpaliwanag rin nang husto sa matagal nang kalituhan ng mga Kristiyano sa kung bakit ang Diyos ng pag-ibig ay matagal nang nagtitiis ng kasamaan at kung bakit niya hinayaan ang mga lingkod niya na dumanas ng matitinding pag-uusig. Ang Samahan ng Watchtower ay nagsimulang kumilos sa paraang tulad ng unang siglong Kristiyanong kongregasyon- “bilang haligi at tagapagtaguyod ng katotohanan.”

Isa pang kamangha-manghang pagkakatulad ang umiiral may kinalaman sa pagkadiskubre ni Josias sa aklat ng tipan. Ang ulat ng 2 Hari kabanata 23 ay umulat ng isang malaking pagdiriwang ng paskuwa na ginanap pagkatapos na ang templo ay muling maitayo: “Ang hari ngayon ay nag-utos sa buong bayan, na sinasabi: ‘Magdaos kayo ng isang paskuwa kay Jehova na inyong Diyos ayon sa nakasulat sa aklat na ito ng tipan.’ Sapagkat walang paskuwa na tulad nito ang idinaos mula nang mga araw ng mga hukom na humatol sa Israel, ni nang lahat ng mga araw man ng mga hari ng Israel at ng mga hari ng Juda. Ngunit nang ikalabingwalong taon ni Haring Josias ay idinaos ang paskuwang ito para kay Jehova sa Jerusalem.”

Tulad nga ng pagganap ng malaking pagdiriwang ng paskuwa upang muling itatag ang tipan at ipagdiwang ang mga repormang naisagawa sa ilalim ng paghahari ni haring Josias, lumilitaw na para bang ang bagong tipan na orihinal na naitatag ni Kristo Jesus sa kanyang mga apostol ay muli ring naitatag may kinalaman sa mga Estudyante ng Bibliya; pinatutunayan ito hindi lang ng pagpapalaganap ng katotohanang alam nila kundi maging sa muling pag-iral ng mga pinahirang nakikibahagi na dahil sa kanilang nakahihigit na pagpapahalaga sa sakripisyo ni Jesus ay nagpasimula ng pagdiriwang ng isang malaking kristiyanong paskuwa na nagpapatuloy maging hanggang sa araw na ito. At kahit na sila ay kumikilos sa ilalim ng maraming maling mga pag-aakala, katulad rin ng mga apostol at sinaunang mga Kristiyano, dahil sa muling paglitaw ng pinahirang kongregasyon ni Kristo, napagtanto ng mga Estudyante sa Bibliya na oras at panahon na para ang kaharian ng langit ay magsimula ng pamamahala nito.

“SA KAPATAGANG LIBIS NG MEGIDO”

Sa kabila ng kaniyang sigasig para kay Jehova at ng mga repormang kaniyang isinulong, si Josias ay napatay sa isang trahedya dahil sa maling payong natanggap niya sa kaniyang kampaniyang militar laban kay Paraon Necoh. Ang ulat ng 2 Hari 23:29-30 ay kababasahan ng ganito: “Nang kaniyang mga araw, si Paraon Necoh na hari ng Ehipto ay umahon sa hari ng Asirya sa may ilog ng Eufrates, at pumaroon si Haring Josias upang salubungin ito; ngunit pinatay siya nito sa Megido nang makita siya nito. Kaya inilulan siyang patay ng kaniyang mga lingkod sa isang karo mula sa Megido at dinala siya sa Jerusalem at inilibing siya sa kaniyang dakong libingan. At kinuha ng bayan ng lupain si Jehoahaz na anak ni Josias at pinahiran siya at ginawa siyang hari bilang kahalili ng kaniyang ama.“

Kapansin pansin nga dahil sa maraming kadahilanan na ang pagkamatay ni haring Josias sa Megido ay hindi pangkaraniwan. Isang dahilan ay sapagkat ang salitang “Armadeddon” ay kinuha mula sa salitang Hebreong “Megido.” Ang bagay na ito ay hindi naman nangangahulugan na ang ulat ay may higit pang makahulang katuparan; subalit ang propesiya ng Zacarias, na siya ring pinaniniwalanag Hebreong patiunang ulat ng aklat ng Apocalipsis ay nagbibigay ng makahulang kahalagahan sa pagtangis sa kamatayan ni Josias na nagsasabi, “Sa araw na iyon ay magiging matindi ang paghagulhol sa Jerusalem, gaya ng paghagulhol ng Hadadrimon sa kapatagang libis ng Megido.“ (Zacarias 12:11)

Ano ang kaugnayan nito kay Josias? Ang tulad “encyclopedia” na aklat ng Kaunawaan sa Kasulatan ay nagsasaad ng mga sumusunod sa ilalim ng paksang Hadadrimmon:

“Maliwanag na isang lokasyon sa kapatagang libis ng Megido. Kadalasang ipinapalagay na ang Hadadrimmon ay ang Rummana, isang lugar na mga 7km (4.5mi) sa TTS ng Megido. Sa hula ni Zacarias, ang ‘matinding paghagulhol‘sa Hadadrimon ay tumutukoy marahil sa panaghoy para kay Haring Josias na napatay sa pagbabaka sa Megido”

Subalit, ang konteksto ng propesiya ni Zacarias ay may kinalaman sa pagtangis sa kamatayan ng Mesiyas- hindi ni haring Josias. Ang mesiyanikong aspekto ng propesiya ay kinumpirma ng pagkakapit ng apostol sa Zacarias 12:10 sa pagpatay kay Kristo. Ngunit tulad rin ng sa maraming pang ibang mga propesiya, malinaw na napaguugnay ni Zacarias ang aspekto ng una at ikalawang pagdating ni Jesus. Sa kalaunan, si Jesus ay dumating bilang tagadalisay at tagalinis ng kaniyang bayan. Gaya ni Josias, siya rin ang nagpasimula ng pagtatanggal ng mga idolo “mula sa lupa.”

Ang Zacarias 13: 1-3 ay humuhula: ‘ “Sa araw na iyon  ay magkakaroon ng isang balon na nakabukas sa sambahayan ni David at sa mga tumatahan sa Jerusalem para sa kasalanan at para sa nakamumuhing bagay. “At mangyayari sa araw na iyon,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, “na papawiin ko ang mga pangalan ng mga idolo mula sa lupain, at hindi na sila aalalahanin pa; at ang mga propeta at ang espiritu ng karumihan ay palalayasin ko rin mula sa lupain. At mangyayari nga na kung manghuhula pa ang isang tao, ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, yaong mga nagpangyari ng kaniyang kapanganakan, ay magsasabi rin sa kaniya, ‘Hindi ka mabubuhay, sapagkat kabulaanan ang sinasalita mo sa pangalan ni Jehova.’ At uulusin siya ng kaniyang ama at ng kaniyang ina, niyaong mga nagpangyari ng kaniyang kapanganakan, dahil sa kaniyang panghuhula.’ “

Ang “balon na nakabukas sa sambahayan ni David” ay may kinalaman sa pagpapatupad sa kabuuan ng pambayad-salang probisyon ng sakripisyo ni Kristo; hanggang sa punto na maisagawa ng lubusan ang pagtatanggal ng mga kasalanan sa “sambahayan ni David”, samaktuwid nga, ang 144,000 na kasamang mamahala ni Kristo.

Malinaw na ang panahong tinutukoy – “sa araw na iyon” ay hindi tumutukoy sa unang siglong kongregasyon. Iyan ay malinaw dahil sa punto na ang kahatulan ng Diyos sa Kristiyanong kongregasyon noon ay hindi naglinis “sa lupain” ng mga idolo at bulaang propeta. Sa kabaligtaran, ang mga apostol ay espesipikong nagbabala sa mga Kristiyano noon na mag-ingat laban sa bulaang propeta sa loob ng kongregasyon. Karagdagan pa, ang ulat ng 1 Juan ay nagtatapos sa biglaang pagpapayo sa mga anak ng Diyos: “Mumunting mga anak, bantayan ninyo ang inyong sarili mula sa mga idolo.”

Maliwanag, ang ultimong katuparan ng propesiya ni Zacarias ay may kaugnayan sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos- kung saan sa wakas ay, “Isusugo ng Anak ng tao ang kaniyang mga anghel, at titipunin nila mula sa kaniyang kaharian ang lahat ng mga bagay na sanhi ng ikatitisod at yaong mga gumagawa ng katampalasanan. ” Saka lamang na ang kongregasyon ni Kristo ay magiging malaya mula sa mga batong katitisuran ng mga bulaang propeta at idolatriya.

Subalit kung paano nga na hindi permanenteng nailihis ng taimtim na pagsisikap ni Josias ang kahatulan ng Diyos, gayundin naman na hindi mababago ng pagsisikap ng Samahan ng Watchtower sa gawaing pagsasauli, ang determinasyon ng Diyos na ituwid ang mga bagay-bagay  “sa kapatagan ng libis ng Megido.” Tunay nga na ang pangangailangan ng Diyos na ituwid ang mga bagay ay mas kinakailangan ngayon higit kailanman. Sa dahilang, kahit na inabandona ng mga Saksi ni Jehova ang hayagang babilonikong idolatriya ng Sangkakristiyanuhan, sa proseso nito, ang Watchtower mismo ay naging tulad gintong guyang organisasyon. At habang ang Samahan ng Watchtower ay nagsulong ng muling pagsasauli ng mga pangunahing doktrinang Kristiyano, ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapatuloy sa paglilingkod sa ilalim ng pabigat ng huwad na propesiya. Walang kaduda-duda na yamang ang Watchtower at ang lahat ng mga Saksi ni Jehova ay “nagsalita sa pangalan ni Jehova.” gaya nga ng nabanggit sa itaas, tayo nga ang higit na may pananagutan sa nagdadala ng pangalang iyan higit kaninuman.

Ang hula ni Zacarias ay nagpapatuloy sa pagsasabi tungkol sa nakaambang kahatulan ng Diyos: “’At mangyayari sa araw na iyon na mahihiya ang mga propeta,  ang bawat isa dahil sa kaniyang pangitain kapag siya ay nanghuhula; at hindi sila magbibihis ng opisyal na kasuutang balahibo  sa layuning manlinlang. At tiyak na sasabihin niya, ‘Ako ay hindi propeta. Ako ay isang taong nagsasaka ng lupa, sapagkat binili ako ng isang makalupang tao mula pa sa aking pagkabata.’  At may magsasabi sa kaniya, ‘Ano itong mga sugat sa iyong katawan sa pagitan ng iyong mga kamay?’ At sasabihin niya, ‘Yaong mga isinugat sa akin sa bahay ng aking mga masidhing mangingibig.’ ”

Ang teksto sa itaas ay sinusundan ng utos na saktan ang pastol at hayaang mangalat ang mga tupa. Ang aspektong iyon ng Zacarias ay siyempre pa, natupad noong si Jesus ay maaresto at maipako at ang kaniyang mga apostol at mga tagausnod ay pansamantalang nangalat. Ngunit, ang konteksto ng hula ay kumakapit rin sa mas malaking katuparan sa pagbabalik ni Kristo. Dahil nga rito ang “propeta” na nakatakdang masugatan at “masaktan sa bahay ng aking mga masisisidhing mangingibig” ay tumutukoy sa tapat at maingat na alipin ni Kristo; na ayon sa Lucas 12:48, ay makatatanggap ng kaunting palo dahil sa kaniyang pagiging ignorante at pagpapapabaya kapag si Kristo ay bumalik upang husgahan ang sambahayan ng Diyos.

Ang Bethel na bahay ng Diyos, ay nag-aangking boses ng propetang uring Jeremias at Ezekiel. Subalit ang mga ebidensiya na nakasaad sa aklat na ito ay naglalayong maipakita na karamihan sa mga makahulang interpretasyon ng Watchtower ay kung hindi man maling naka patungkol sa Sangkakristiyanuhan, ay mali namang nakapatungkol sa panahong 1914-1919. Makatuwiran lamang na ang mga Saksi ni Jehova  ang bukod tanging mga tao kung saan ang mga sumusunod na salita ay posibleng nakapatungkol: “kayong sumusumpa sa pangalan ni Jehova at bumabanggit sa Diyos ng Israel, hindi sa katotohanan at hindi sa katuwiran.”

Sa dahilang ang Watchtower ay nagdulot ng matindiing kadustaan sa pangalan ng Diyos- na para bang “sumusumpa sa pangalan ni Jehova”- makatuwiran lamang na sila ang opisyal na propeta na “mapapahiya” dahil sa mga kamalian at panlilinlang na isinagawa nila sa pangalan ni Jehova. Karagdagan pa, gaya nga ng institusyunal na pagsamba na minsang sumentro sa Jerusalem noong panahon ni Kristo, ang Watchtower rin ay nakapagsakatuparan ng layunin ng Diyos. Ngunit sa pagsasagawa nito, nakatakda din itong lumipas at ngayon ay malapit nang tuluyang mabura mula sa pag-iral.

Sa kabilang banda naman, gaya nga noong mapalitan ang pormalistikong relihiyong nakasentro sa Jerusalem ng isang nakahihigit na uri ng pagsamba batay sa kabuuang sukat ng espiritu ng Diyos at ng katotohanan, ang kasalukuyang kaayusan ay nararapat rin at hindi maiiwasang magbigay daan sa kabuuang kapahayagan ng espiritu ng Diyos at ng katotohanan, maging si Jesus ay sumiguro sa lahat ng umiibig sa katotohanan nang kaniyang sinabi: “Malalaman ninyo ang katotohanan at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”

image_pdfimage_print